Ang Edukasyon sa kasalukuyan (Ateneo de Davao University True Story)



Education is a right not a privilege.

Sa ngayon, ang dekalidad edukasyon sa pilipinas ay unti-unting nahuhulog isang pribilehiyo na lamang ng mga taong may pera. Ang iba naman ay naghihirap sa pagtatrabaho upang makapagtapos lamang sa pag-aaral. Ngunit, kung hindi ako nagkakamali, nakasaad sa ating pambansang batayang batas na ang gobyerno ay responsable sa pagsisiguro na mabigyan ng libre at dekalidad na edukasyon ang lahat ng mamamayan ng bansa. Ngunit kabaliktaran ang nangyayari. Naging isang pangarap na mahirap makamit na lamang ang libre at dekalidad na edukasyon.

Noon pa man ay nagiging palaisipan na ito para sakin.
Maaari bang magkaroon ng libre at dekalidad na edukasyon?
Mula nursery hanggang kolehiyo, nasa isang pampribadong eskwelahan ako nakapag-aral.
Masasabi ko na dekalidad ang edukasyon tinatamasa ko. Ngunit, kinakailangan bang bayaran ng malaki upang magkaroon ng isang dekalidad na edukasyon? Naguguluhan na ako noon pa man.

Akala ko ba Libre at Dekalidad ang edukasyon sa Pilipinas?

Sa aking mga natutunan sa aking kaibigan na si Karlos, hindi imposibleng magkaroon ng Libre at Dekalidad na edukasyon.  Noon pa man, hinahangad ko na makatulong sa kapwa ko lalo't lalo na sa mga kabataan. Sinasabi ng iba, hindi imposible para sakin, dahil nanggaling daw ako sa prominenteng pamilya,o may kaya sa buhay. Ngunit, hindi naman iyon ang basehan. Naintindihan ko na ang simpleng pagbigay ng pera ay hindi solusyon sa problema ng edukasyon. Band-aide treatment ika nga. Kaya't babalik at babalik parin ang problema kung laging ganito ang ginagawa natin.

Ano nga ba ang solusyon sa dekadenteng sistema ng edukasyon sa Pilipinas? 


Ito ang tanong na bumabagabag sa akin noon pa man. Sabi ko rin sa aking sarili, gusto kong maging isang guro ng isang pampublikong paaralan. Hindi baleng walang sweldo, basta nakakatulong ako at nabibigyan ko ng mabuti at dekalidad na edukasyon ang aking mga estudyante. Nangarap din ako na magkaroon ng isang sariling paaralan sa mga liblib na lugar. Ngunit, hindi ako nakokontento doon. 

Ano nga ba ang magandang solusyon? 

Noong napanood ko yung "MISEDUCATION" na dokyumentaryo. Naliwanagan ako. Mayroon tatlong itsura ang sistema ng edukasyon dito sa Pilipinas.

Kolonyal na edukasyon- mula bata pa ako, A is for Apple, B is for Ball, at C is for Cat na ang tinuturo sa amin.
Lahat ng aklat ko'y nakasalin sa wikang ingles. Mismo sa loob ng silid, kinakailangan magsalita sa wikang ingles,at kung hindi, malalapatan ako ng parusa o ipapabayad ng piso sa bawat salitang pilipino o ano mang diyalekto. Nagsimula ito noong pagpasok ng mga Thomasites dito sa ating bansa kung saan, nakita nila na maaaring mapagpatuloy ang pagkokontrol nila sa atin sa pamamagitan ng dekadenteng sistema ng edukasyon dito sa Pilipinas. Kaya naman maraming manipestasyon na hanggang ngayon ay naipagpapatuloy parin. Tulad na lamang ng mga sumusunod.

Hindi ka- "in" kung hindi ka magiingles. Ang iba naman ay nilalait pa ang mga taong hindi marunong mag-ingles at tinatawag pang bobo. Kung baga'y nakaprograma na ang sistema na maging ganoon-- nahahalintulad sa kagustuhan ng mga amerikanong nagkolonyalisa at sumakop hindi lamang sa bansa, kungdi pati sa ating pag-iisip. Ayon din sa ibang tao, kung hindi ka marunong mag-ingles, hindi ka aansenso. Kumbaga, nakadisenyo na ang mga bagay. Kung ano ang kailangan ng bansang Estados Unidos, tulad na lamang ng mga inhinyero,nursing, at iba pang In Demand na kurso, yun ang Top Priority. At sa ngayon, dumadami na ang mga Call Center Agencies sa ating bansa. Laganap parin ang Crab Mentality ng karamihan. Nagiging cheap-labor forces lamang tayo. At imbes na makatulong tayo sa pagunlad ng ating bansa, imbang bansa pa ang lalong umuunlad. Naiiwang atrasado ang ating pambansang industriya at lalo't lalo na agrikultura.


Komersyalisadong edukasyon- pagkatapos ng pagiging kolonyal na edukasyon, kung saan indirektang kinokolonyalisa tayo ng bansang Estados Unidos, dumako naman tayo sa komersyalisadong edukasyon. Mula sa mga pampribadong paaralan hanggang sa mga techvocs(Technical Vocational)institutions, ginagawa na lamang  negosyo ang edukasyon ng mga edukador-kapitalista . Sabi pa ng CHED director dun sa MISED na dokyu, "If you want quality education, you must be ready to pay for it," 

Must be ready to pay for it? Bakit? Kung walang pera ang isang indibidwal, wala siyang karapatan magkaroon ng isang dekalidad na edukasyon? Ang mga pampribadong paaralan naman ay kung magpataas ng Tuition and Other Fees eh, parang pinaglalaruan lamang nila na parang lotto. Wala din nangyayaring fair and transparent na consultation sa mga stakeholders. Kumbaga, ang Consultation, ay nahuhulog na isang Meeting to Agree na lamang at Presentation. Kinakalimutan na ng gobyerno ang responsibilidad at ipinasa na ito sa mga mamamayan. Mismo ang badyet ng edukasyon ay lalong binabawasan at napupunta sa lamang sa military. 

Magkakaroon pa ba talaga ng Libre at dekalidad edukasyon sa ating bansa?

Represibong edukasyon- masasabi nating ang mga pampribado at mismong pampublikong paaralan ay nakakaranas ng represyon. Ang mga miyembro ng board of trustees, o mismo ng administrasyon ay kakunsabo ang mga edukador-kapitalista, politiko, at mismo ng mga taga-gobyerno. Ang mga student liders na nakikipaglaban para sa karapatan ng kabataan, estudyante at mismong mga manggagawa't magsasaka ay ipinapagbawal sa ibang paaralan. Mismo pagsali sa mga rallies, solidarity activities, o mismong silent protests ay ginigipit ng administrasyon. May ibang kaso pa na ang administrasyon ay kumukuha pa ng militar upang maghasik ng takot sa mga progresibong student liders at mga grupo sa luob ng mismong mga paaralan. Manipestasyon lamang ito na ang interes lamang nila sa pera ang kanilang binibigyan pansin at wala ng pakeelam sa ikabubuti ng mga estudyante at mga empleyado.

Ilang taon ng pinageeksperimentohan ng gobyerno at ng mga edukador-kapitalista ang ating edukayson, ngunit hanggang ngayon, hindi parin sila nagtatagumpay sa kanilang mga binabalak.
Sinasabi ng iba na wala na tayong magawa kung hindi sumunod na lamang sa kanila.

Dito sa aking paaralan, sa Ateneo de Davao University, hindi ko masikmura ang dekadenteng sistema na pinapairal ng administrasyon at ng mga namuno nito. Noong 1st year college ako, 6% ang itinaas ng matrikula at ibang miscellaneous fees. Ang mga nasa Information Technology at mga kursong may laboratoryo ay pinapatawan ng mataas na matrikula dahil raw sa kompyuter, aparatos at iba pang kagamitan na gagamitin sa buong semestre. Mula 584/unit, naging 820+/unit na sa ngayon. Dati ay wala akong pakeelam, dahil sinasabi ko sa aking sarili, "hindi naman ako ang nagbabayad".

Oo, isa akong scholar ng isang kumpanya. Ngunit, ng nakita ko ang mga kabataan sa labas ng Freedom Park, na ipinagsisigawan na tigilan na ang pagtaas ng matrikula. Napatanong ako,

"Bakit nila kailangang gawin yan? diba dapat maging masaya sila dahil para naman sa mga guro at improvements ang tuition and other fees increase?" 


At yun ang inakala ko. ang 70% na nagmula sa aming mga matrikula ay deretsong mapupunta sa sweldo ng mga guro at manggagawa ng paaralan. At 30% ay para sa mga kailangan ng eskwelahan. Ngunit, sa katotohanan, ito'y kasinungalingan lamang. 

Sa P21,650.56 na binayad ko, bakit sira ang 2 Ceiling fan? Bakit walang tubig sa mga fountains ng 3rd, 5th at 7th floor? Bakit 100 units lamang ang computer sa Library at 56kbps lamang ang internet speed? Bakit mabaho ang canteen? Bakit hindi pwedeng iganap ang mga forums at iba pang activities sa 7th Floor amphitheater at kung gagamitin ito, magbabayad pa ng P10,000.00/hour ? Bakit ang mga klasrum ng Engineering&Architecture, SBG, Nursing at ng ibang pang kurso ay wala man lamang electric fan tulad na lamang sa C, W,at B building? At mismo yung bagong J-building, ang elevator ay hindi maaaring gamitin ng mga estudyante. Sino bang nagbabayad para dito?

Saan ba talaga napupunta ang pera ng mga estudyante? 


Hindi pa nakuntento, nagkaroon pa ng LATE REGISTRATION FEE na P100.00.
Meron pang Internet fee na P1364.00 -- 20 hours lamang para sa bawat estudyante. ang internet speed? mabagal na nga, hindi pa maganda ang mga computers. Ang P1364.00=20hours of internet access sa library napakabulok ng sistema. Isipin mo, sa groundfloor, magpapareserba ka ng unit, ilang oras ka gagamit, at aakyat ka ng apat na palapag. At dun, magpapalog-in ka pa ulit. Eh yung oras mo umandar na hindi ka pa nakakagamit ng computer. Kung sa internet cafe ka, sobra pa sa DSL ang internet connection, at P10.00/hour lamang binabayad mo. Kung ikukumpara natin, 20 hours sa internet cafe = P200.00 lamang ang nagagasots mo. Eh sa Internet Laboratory ng Ateneo? Mula P808.60 last year, naging P1,364.00 na sa ngayon dahil raw sa WiFi Connection. Eh Jusko po. Hindi lahat ng mga estudyante ay may laptop. 

Kung icocompute natin ang mga datos, P1364.60 - P808.60 = P556.00

Imultiply natin ang P556.00 sa 7623(bilang ng mga nakaenrol noong unang semestre 2010-2011) = P4,238,388.00 ang kabuuang kita ng Ateneo sa Internet Lab Fee Scheme nila. 

Take Note: Mandatory ang Internet Lab Fee.  

Hindi pa talaga nakuntento, meron pang bagong pinapatupad at nakasaad na ito sa bagong 2010 Student's Handbook.
Kung ang isang estudyante ay mahuli sa pagsauli ng "adding/dropping" form sa Window 14&15 ng Finance Office sa Ateneo sa linggo ng adding/dropping, ay mapapatawan ng P500.00 na buwis. At kung hindi mo naman masauli ang adding/dropping form na kung saan may mga subject kang idodrop within the said week, ay mapapatawan ka ng FULL CHARGES on the number of units. Isipin mo, kung 3 subjects ang idodrop mo (9 units) Kung 2nd year ka, 756.80/unit x 9 = P6,811.20 agad ang penalty fee mo. At may mga laboratory at extra fees pa minsan. Sa nursing, may Related Experience Fee na humigit kumulang 3,000+ o minsan 2,000+. Sa may mga computer/drawing subjects , 3,000+ o 2,000+ ang laboratory fee. Hindi pa yan kasali sa total tuition fee. 

Sa kasalukuyan, ng dahil sa hindi pagbibigay alam ng mga kinauukulan sa mga estudyante na may naganap na isang CONSULTATION regarding sa Tuition Fee and Other Fees Increase, tumaas na naman P756.80 - P821.60 na sya sa ngayon at maaaring tumaas pa sa susunod na taon.

At syempre, hindi talaga nakukuntento, dinagdagan pa ng No Permit No Exam Policy at muli, nakasaad ito sa Student's Handbook.
Ang polisiyang ito ang dahilan ng pagbagsak sa daan-daang estudyante.
Kung wala kang permit, hindi ka makakapagexam. Tapos, kinakailangan mong magbayad ng Special Exam Permit na P100.00. Magpapasign ka sa subject adviser, division chairperson, at saka magbayad ng P100.00 sa Finance, and papaschedule ka para sa Special Exam date mo. Ang problema, ang ibang teacher ay nagbabakasyon pagkatapos ng exam. Hindi na naisip ng mga edukador-kapitalista at ng mga taga administrasyon ang mga problema pampinansyal ng mga mag-aaral nito. Minsan, nakadepende din sa guro kung ipapaexam niya ang estudyante o hindi, dahil hindi niya ibibigay ang final grade kung wala siyang final permit. Hindi lamang dagdag pasanin sa mga magulang ng mga estudyante ito, kungdi pati na rin sa mga gurong madaragdagan ang kanilang trabaho. At may mga reports na hindi napupunta sa guro ang P100.00.

Teka, Teka, Akala ko ba Edukasyon ay isang karapatan at hindi isang pribilehiyo? Bakit napunta na tayo rito? At diba ang Ateneo ay Service Oriented? Sa aking nakikita, nagiging Profit-Oriented na ito.


Ngunit dahil sa initiative at pakikipaglaban ng mga kabataan through KABATAAN Partylist Cong. Mong Palatino, nagkaroon ng HB 6799 o yung Anti-No Permit No Exam Policy Bill at naglabas ng CHED Memo 02. Ngunit, kulang ang initiative o tinatamad ang inutil na CHED sa pagpapatupad ng Memo. sinasabi nila na wala silang magagawa sa mga schools, lalo na sa may Autonomous status. Ngunit, diba dapat kasali parin sila? Kahit Autonomous sila? Hindi naman Special Memo ang inilabas, kung hindi CHED Memo na mismo. Kaya, patuloy sa pakikibaka at pagchallenge ng mga kabataan sa gobyerno at sa Ched na itanggal na ang mga Anti-Student Policies at sa mga budget cuts sa mga state universities.

At sa darating na pasukan, tataas nanaman ang matrikula. Sinasabi ng ibang tao, kailangan daw ito. Ngunit, walang genuine consultation. Kung ikaw ay hindi sasang-ayon, matatalo ka naman sa bilang ng boto. Ang mga Government Agencies naman, ay nagpapainutile. Tulad na lamang ng CHED. Nagbibingibingihan, nagbubulagbulagan. Anti Student na nga ang Tuition fee increase. Dadagdagan pa ng iba pang fees. Hindi lamang sa Ateneo ito nangyayari. Kung hindi, sa 223 paaralan sa buong pilipinas. Hindi na ginagampanan ng gobyerno ang responsibilidad nito sa edukasyon. Mismong budget nga ay namamaniubra. Masmalaki pa ang budget ng militar kaysa sa edukasyon at sa medical. sa bawat bala ng M16 ay gumagastos ng P16.00. Ngunit sa bawal libro, mahigit kumulang P2.00 lamang ang inilalaan na budget. Sa bawat gamot naman ay P1.00. Libro po ang kailangan namin, desenteng trabaho, desenteng sweldo, desenteng lupa't bahay, at hindi mga bomba't bala. At dahil rin sa sunod-sunod na pagprotesta, pakiki-isa ng iba't ibang sektor ng ating lipunan upang matugunan ang iba't ibang panawagan,  umani ng libu-libong suporta ang pakikibaka ng sambayanan. Mula sa isyu ng No Permit No Exam policy patungo sa isyu ng mga magsasaka, makikita natin na bulag at bingi na ang ating gobyerno sa atin.


Ano ba ang magagawa ng mga kabataan sa ngayon? Hindi ba tayo ang pag-asa ng inang Bayan ika nga ni Dr. Jose P. Rizal? 


Sumali ako sa League of Filipino Students dahil alam ko, na mayroon akong magagawa upang makatulong sa kapwa at makamit ang pambansang demokrasya. Ang edukasyon ay karapatan ng bawat mamamayan. Libre at dekalidad. Kahit ilang ulit pang itaas ng mga pampribadong paaralan at ng pampublikong paaralan ang matrikula, handa ang mga kabataan na ipaglaban ang kanilang karapatan. Ipaglaban kung ano ang tama. Tulad na lamang sa ginawa ng PUP5 at ang mga First Quarter Storm, kung saan sama-sama silang nagmartsa sa kalsada, dala-dala ang kanilang prinsipyo, plakards, megaphone,streamers at taas kamaong nakikibaka para sa bansa. Kailangan nating ipakita sa gobyerno na hindi tayo sang-ayon sa mga ginagawa ng mga edukador-kapitalista at dapat ipagtuunan ng pansin ang mga pag-labag sa mga karapatan ng bawat mamamayan. Kailangan din nating makialam at magtake ng stand sa mga isyus na kinakaharap nating kabataan at pati na ng mamamayan. Hinding-hindi tayo titigil na ipaglaban ang ating karapatan at makibaka para sa pambansang demokrasya.

Kung hindi ikaw? Sino?

Kung hindi ngayon? Kailan?

At bago ako magtatapos.
Nais kong ipamahagi ito sa lahat.
"They may cut our tongues but they cannot silence us. They may shackle our hands but they cannot stop us from raising our fists. They can kill the protester but they cannot kill the protest."    - Karlos Manlupig

Comments

  1. I am also a student and i was able to watch the MISEDUKASYON. . .reality bites and everything you have said was true especially that KOMERSYALISADONG EDUKASYON in my School.

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular posts from this blog

Miseducation of a Filipino by Renato Constantino

Kasalanan Ba? (version 2, kasama ni Prof. Jopriz Bueno)